VIA | Ronda Balita Online: Mas maaliwalas na Business One Stop Shop ng Pulilan, bukas na

Bukas na ang mas maaliwalas na Business One Stop Shop sa loob ng bagong gawang extension building ng munisipyo ng Pulilan. (Kuha ni Shane F. Velasco)

“Mas maaliwalas na Business One Stop Shop ng Pulilan, bukas na”

By RONDA BALITA Online – January 28, 2021

PULILAN, Bulacan — Mas maginhawa nang kumuha ng bago o renewal ng business permit ngayong bukas na ang pinalaki at pinaaliwalas na extension building ng munisipyo ng Pulilan, kung saan matatagpuan ang Business One Stop Shop o BOSS.

Ayon kay Municipal Engineer Rose Esguerra, isa itong bagong tatlong palapag na gusali na ikinabit sa istraktura ng Legislative Building na ginugulan ng 35 milyong piso ng pamahalaang bayan.

Bukod sa BOSS, dito rin matatagpuan ang mga tanggapan ng accounting, treasury at nutrition.

 

Naipatayo ito sa direktiba ni Mayor Maria Rosario Ochoa-Montejo bilang tugon sa lalong pagtataas ng antas ng serbisyo para sa mga taga-Pulilan.

Ang BOSS ay nirepormang bersiyon ng Business Processing and Licensing Office o BPLO sa bawat mga munisipyo at city hall alinsunod sa Republic Act 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Delivery of Government Services.

Layunin nito na padaliin, pabilisin at gawing epektibo ang bawat transaksiyon sa mga ahensiya ng pamahalaan partikular na ang may kaugnayan sa sektor ng paghahanap-buhay, kalakalan at komersyo.

Kaya’t pinagsama-sama sa BOSS ang mga ahensya ng pamahalaan na kasama sa mga rekisito sa pagbubukas ng negosyo.

Halimbawa na diyan ang Bureau of Fire Protection para sa Fire Safety permit, Municipal Environment and Natural Resources Office para sa pagkuha ng sanitary permit, Negosyo Center ng Department of Trade and Industry at iba pang tanggapan sa ilalim ng pamahalaang bayan.

Mula nang umiral ang BOSS sa Pulilan, ayon kay Reina De Guzman na isang revenue collector, maari nang makuha ang aplikasyon para sa bago o renewal ng business permit sa loob ng isang araw o kinabukasan.

Sa lumang sistema sa BPLO, tumatagal nang dalawang linggo ang mga proseso bago makuha.

Bilang resulta, umabot sa 362 na mga bagong negosyo ang nabuksan na negosyo at 1,674 ang nag-renew ng business permit noong 2019.

Nito namang nakaraang taong 2020, bahagya lamang ang ibinaba ng bilang ng mga nagbukas mga bagong negosyo na nasa 342, ngunit mataas ang bilang ng mga nagsipag-renew na naitala sa 1,729.

Para kay De Guzman, hindi ito inaasahan dahil sa pagtama ng pandemya ng COVID-19 kaya’t itinuturing aniya ng pamahalaang bayan na dahil ito sa mga reporma sa BOSS.

Sa pasimula pa lamang ng taong 2021, nakakapagtala na ng panibagong 92 na mga negosyo ang kumuha ng business permit sa pamamagitan ng pinainam na sistema at mas maginhawang pasilidad.  

Source: PIA Bulacan/Shane F. Velasco

Link: http://rondabalita.news/mas-maaliwalas-na-business-one-stop-shop-ng-pulilan-bukas-na?fbclid=IwAR1n2ULKkBt6eJjsD5rLRpzne453THEkPAAnbFLjcTSvDPCTasmbEM6AUXE

Usefull Links