VIA PIA: Tagalog News: Tagalog News: Pabahay para sa mga walang tirahan sa Pulilan, ipapatayo ng DHUD

Tagalog News: Pabahay para sa mga walang tirahan sa Pulilan, ipapatayo ng DHUD

By Shane F. Velasco Published on February 15, 2021

 [Magkatuwang na ipapatayo ng Department of Human Settlements and Urban Development at pamahalaang bayan ng Pulilan ang 20 condominium-type na gusali para sa may 1,400 pamilyang nakatira sa mga lupang hindi nila pag-aari. (Shane F. Velasco/PIA 3)]

 

PULILAN, Bulacan, Pebrero 15 (PIA) — Magkatuwang na ipapatayo ng Department of Human Settlements and Urban Development o DHUD at pamahalaang bayan ng Pulilan ang 20 condominium-type na gusali para sa may 1,400 pamilyang nakatira sa mga lupang hindi nila pag-aari.
 
Ayon kay Mayor Maria Rosario Ochoa Montejo, pumasok sa isang usufruct agreement ang DHUD at lokal na pamahalaan.
 
Sa nasabing kasunduan, ang lupang pag-aari ng pamahalaang bayan ay pagtatayuan ng proyektong pabahay na Mom’s Ville na popondohan ng DHUD sa halagang 660 milyong piso.
 
Nagkakahalaga ng 33 milyong piso ang kada gusali na tig-limang na palapag.  May laking 30 square meters ang bawat yunit habang ang ilalaan ang unang palapag bilang wet and dry market.
 
Itatayo ang proyekto sa dalawang ektaryang bahagi ng Bukid Government Center na nasa barangay Penabatan.

Ipinaliwanag ni Luis Gonzales, Senior Vice President ng Center for Urbanized Housing and Socialized Development na katuwang ng Social Housing Finance Corporation na bahagi ito ng programang BALAI o Building Adequate, Livable, Affordable and Inclusive Filipino Communities ng DHUD.
 
Hindi lamang aniya ito isang karaniwang pagbahay kundi pagbubuo ng isang komunidad na magbibigay ng dignidad sa mga pamilyang benepisyaryo.
 
Sinabi rin ni Montejo na nakapagtala ng nasa mahigit isang libo ang mga tirahan sa Pulilan na nakatirik sa mga lupang pag-aari ng iba at maging ang mga nasa tabing ilog.
 
Sila aniya ang prayoridad na mapagkalooban ng units sa Mom’s Ville upang matiyak ang kanilang kaligtasan lalo na kapag may kalamidad.
 
Ang magiging sistema, bawat benepisyaryo ay magbabayad lamang ng halagang 200 hanggang 300 piso kada isang buwan sa loob ng 35 taon. Hindi na dadan sa munisipyo ang bayad kundi derecho na sa DHUD. Target tapusin ang proyektong pabahay sa susunod na dalawang taon. (CLJD/SFV-PIA 3)

Link: https://pia.gov.ph/news/articles/1066696

Usefull Links