VIA PIA – Tagalog News: Pulilan, unang susuplayan ng COVID-19 vaccine sa Bulacan

Tagalog News: Pulilan, unang susuplayan ng COVID-19 vaccine sa Bulacan 

Tiyak nang makakakuha ng bakuna laban sa COVID-19 ang mga mamamayan ng Pulilan ngayong nalagdaan na ang Tripartite Agreement sa pagitan ng Go Negosyo, AstraZeneca at ng pamahalaang bayan. Ito ang kauna-unahang bayan na masusuplayan ng bakuna sa Bulacan. (Shane F. Velasco/PIA 3)

By Shane F. Velasco Published on January 15, 2021

PULILAN, Bulacan, Enero 15 (PIA) — Tiyak nang makakakuha ng bakuna laban sa COVID-19 ang mga mamamayan ng Pulilan ngayong nalagdaan na ang Tripartite Agreement sa pagitan ng Go Negosyo, AstraZeneca at ng pamahalaang bayan.
 
Ito ang kauna-unahang bayan na masusuplayan ng bakuna sa Bulacan.
 
Ayon kay Mayor Maria Rosario Ochoa-Montejo, may inilaan na 20 milyong piso ang pamahalaang bayan para makabili ng 80 libong doses ng bakuna, para sa may 40 libong katao o katumbas ng 35-40 porsyento ng populasyon hg Pulilan. Prayoridad dito ang mga may edad na 16 na taong gulang pataas.
 
Target maipadeliver sa Pulilan ang mga bakuna sa susunod na tatlong buwan habang tinatayang makakapagbakuna na sa third quarter ng 2021.
 
May inisyal na walong refrigeration facilities ang binili ng pamahalaang bayan habang kinakausap na ni Montejo ang mga pribadong planta sa Pulilan na may kakayahan sa refrigeration upang makapag-augment sakaling kailanganin ng karagdagang mga pasilidad.

Tiniyak naman ng Municipal Health Office na well-trained at eligible ang kanilang mga medical practitioners na magsagawa ng bakuna.
 
Inanunsiyo rin ng punong bayan na upang mapawi ang pangamba ng mga taga-Pulilan sa bakuna, ipiniprisinta niyang mauna siya at ang kanyang pamilya na magpaturok ng bakuna sa oras na ito’y dumating na.
 
Nagkaroon ng kakayahang makabili ng bakuna ang pamahalaang bayan ng matapos magpasa ng ordinansa ang Sangguniang Bayan nito na nag-realign o naglipat ng pondo para sa partikular na pagprayoridad sa pagbili ng naturang bakuna.
 
Ang ginawang ito ng Sangguniang Bayan ay naaayon sa probisyon ng Republic Act 11494 o ang Bayanihan to Recover as One Act na nagpapahintulot sa mga pamahalaang lokal na magre-align ng mga lokal na pondo para sa lalong pagpapaigting ng paglaban sa COVID-19.  (CLJD/SFV-PIA 3)

Link: https://pia.gov.ph/news/articles/1063871?fbclid=IwAR3FVgiOrlexZY175N0BCcKSIdo9h39Xd9FpMuItLYT-S8QqS7KrINmwA6o

 

Usefull Links