VIA: Philippine Information Agency
Tagalog News: Triple-A na pagtugon ng Pulilan laban sa COVID-19, inilahad
Published on October 26, 2020
PULILAN, Bulacan, Oktubre 26 (PIA) — Sentro ng paglaban ng Pamahalaang Bayan ng Pulilan sa pandemya ng coronavirus disease o COVID-19 ang tinaguriang Triple-A na istratehiya na nakasentro sa mass testing, pagpapatuloy ng kabuhayan kahit hindi lumalabas, seguridad sa pagkain at patuloy na pag-aaral.
Sa ginanap na Leaders In Focus online media forum ng Philippine Information Agency, tinukoy ito ni Mayor Maria Rosario Ochoa-Montejo bilang Aggressive COVID-19 Mass Testing Action Plan o ACAP, Aggressive E-Learning for Pulilenyos Project o e-ARAL at ang Aggressive Gardening Farm Action Plan of Pulilan o AGAP.
Ipinaliwanag ng punong bayan na sa ACAP, nagsagawa ng house-to-house na Thermal Scanning ang pamahalaang bayan upang tuwirang makilala at malaman kung sinu-sino sa Pulilan ang may sintomas.
Naganap ito ng apat na beses noong kasagsagan ng mahihigpit na community quarantine mula sa kalagitnaan ng Marso hanggang Mayo. Kalakip nito ang naipamahaging may 100 libong mga facemasks at alcohol.
Nagresulta ito sa pagdami ng mga gumagaling sa COVID-19 sa Pulilan dahil sa agarang pagtugon.
Base sa talaan ng Municipal Health Office noong Oktubre 23, 185 na ang gumagaling sa 220 na tinamaan ng COVID-19, bagamat may apat na namatay. Sisimulan na rin ng pamahalaang bayan ang pagkakaloob ng COVID Free Award sa mga barangay na magiging zero-case.
Umabot na din sa 63 mga silid, sa iba’t ibang barangay sa Pulilan, ang naipatayo ng pamahalaang bayan bilang mga isolation facilities at mayroon pang ginagawang walo.
Sa pagtitiyak naman ng seguridad sa pagkain ngayong may pandemya, ipinaliwanag ni Montejo na nakatulong ang pagiging isang agrikultural na bayan ng Pulilan, kaya mas pinaigting ang produksiyon sa pagkain at distribusyon nito sa pamamagitan ng istratehiyang AGAP.
Mas pinalaganap ang mga gulayan sa mga paaralan at barangay sa pamamagitan ng pinagkakaloob na binhi mula sa pamahalaang bayan.
Upang maging mabilis at matiyak na nakikinabang sa mga pananim na gulay ang mga naninirahan hanggang sa mga nasa sulok na sitio, binuo ang Pabili System.
Isa itong pamamaraan na ang mga drayber ng tricycle at dyip sa Pulilan na nahinto sa biyahe, ay ginawang tagapag-deliver ng mga magpapabili ng pagkain gamit ang online system na binuo ng mga Sangguniang Kabataan. Kaya naman inilibre na rin ng pamahalaang bayan ang prangkisa ng mga tricycle para sa taong ito.
Nagpalagay din ng mga Talipapa sa lahat ng barangay upang hindi na sumadya at dumami ang tao sa Pamilihang Bayan ng Pulilan. Pansamantala ring hindi sumingil ng upa sa mga may pwesto sa palengke ang pamahalaang bayan.
Ang ikatlong A naman na istratehiya ay ang Aggressive E-Learning for Pulilenyos Project. May halagang 20 milyong piso ang ipinagkaloob ng pamahalaang bayan upang umagapay sa mga online learning na ginagawa ng mga guro sa mga pampublikong paaralan sa Pulilan.
Nagtatag din ang pamahalaang bayan ng Pulilan Integrated Communication Network upang mapalakas ang sagap ng internet sa mga kanayunan.
Kaugnay nito, ayon pa kay Mayor Motejo, umabot na sa 103 milyong piso ang nagugugol ng pamahalaang bayan sa paglaban sa COVID-19 at pagtugon sa mga lumitaw na mga hamon.
Kasama na sa nasabing halaga ang 60 milyong piso budget surplus noong 2019 at ang 25 milyong piso na Disaster Risk Reduction Management Fund. Isinama na rin rito ang mga natipid sa mga hindi na itinuloy na training at seminars. (CLJD/SFV-PIA 3)
https://pia.gov.ph/news/articles/1056935