PIA Tagalog News: Fiber internet, ikinabit sa bawat barangay sa Pulilan

Tagalog News: Fiber internet, ikinabit sa bawat barangay sa Pulilan

PULILAN, Bulacan, Nobyembre 26 (PIA) — Inilatag na sa bawat barangay ng Pulilan ang fiber-optic cable upang maging matatag at malakas ang sagap ng internet para sa online classes ng mga mag-aaral dito.
 
Sa panayam ni Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar sa episode ng Network Briefing News ngayong Huwebes, sinabi ni Mayor Maria Rosario Ochoa-Montejo na naglaan ng 20 milyong piso ang pamahalaang bayan para sa proyektong ito na bahagi ng Pulilan Integrated Communication Network kung saan mahigit dalawang libong mahihirap na kabataan ang nakikinabang.
 
Ipinaliwanag ng punong bayan na hindi ito wireless kagaya ng WiFi na may pagkakataong mawala o humina ang signal dahil kumulimlim, umulan o may pagbabago sa panahon.
 
Sa fiber aniya, naglalatag ng literal na kable mula sa source ng internet na direkta sa mismong laptop o desktop computer yunit ng isang estudyante. Matatag ang signal nito kahit maging iba-iba ang kondisyon ng panahon sa palagid.
 
Bawat barangay ay may tukoy na lugar kung saan nakahimpil ang internet na pagkakabitan cables na may lakas na 40 mbps.

Nagmumula ang koneksyon nito sa Pulilan Community E-Center na nakahimpil sa Tanggapan ng Punong Bayan sa ikalawang palapag ng munisipyo na may kabuuang lakas na 1000 mbps.
 
Ipinaliwanag ni Montejo na ngayong nararanasan pa ang pandemya ng COVID-19 at hindi pa uubrang magkaroon ng face-to-face classes, minabuti ng pamahalaang bayan na ihinto muna ang mga proyektong pang-imprastraktura at iprayoridad ang pagsuporta sa flexible mode of learning sa kolehiyo at blended learning mode sa mga mag-aaral sa K to 12.
 
Kaya naman sa pahintulot ng Sangguniang Bayan, ang pondong 20 milyong piso ay nagmula sa realignment  ng development fund para sa mga barangay.
 
Bukod sa paglalagay ng metatag at malakas na sagap na internet, nagkaloob din ang pamahalaang bayan ng 45 yunit ng laptop sa mga tukoy na guro sa mga pampublikong paaralan. (CLJD/SFV-PIA 3)

Source: 

https://pia.gov.ph/news/articles/1060202?fbclid=IwAR11EtsmyoajwWpud3YjUCLG_tt6ibUE8n2lChxRPJoESyNqBPJVPXmCWQg

Usefull Links